Wednesday, August 08, 2012

Dear M. Anonymouse - floods

Dear Manong Anonymouse,

Dito po kami nakatira sa bahaing lugar ng Maynila. Taon-taon na lang po binabaha kami. Sawang-sawa na ako sa baha. Lagi na lang kaming nagliligpit para iakyat ang mga gamit sa itaas upang hindi masira. Lagi na lang kaming naglilinis ng putik na iniwan ng baha.

Ano po ang maipapayo ninyo?

Umaasa,

~~Heather-Heather

===================
Sagot ni Manong:

Dear Heather-Heather,

Wika nga sa English, every problem presents an opportunity.

Magkabit ka ng water tank upang sahurin ang tubig ulan sa iyong bubong. Magagamit mo ang tubig na ito para pandilig ng halaman, panligo, pang-flush ng mga toilet, panlaba, at panghugas ng sasakyan. Nang sa ganoon sa panahon ng tagtuyot may tubig kayo sa tahanan. Kung gagamiting inumin ang tubig ulan, kailangan pakuluan upang hindi kayo ma-El Tor.

Kapag baha, hirap ang mga tao sa pag-viaje. Mag-invest ka sa mga bangka. Sa baha, hatid-sundo mo ang mga tao upang makarating sila sa patutunguan. Singilin mo ng pasaje na singil ng mga pedicab. Tiyak na patok ang negosyong ito.

Magpa-arkila ka rin ng mga salva vida - para roon sa mga batang mahilig lumangoy sa baha. Lagyan mo ng GPS tracker ang mga salva vida mo para kung sakaling nakawin ng mga batang squatter, madali mong mababawi!

Iyong mga gamit mo, mag-iwan ka ng bangka sa loob ng tahanan. Kapag tumaas ang baha, lulutang ang bangka, e di hindi mo na kailangan iligpit sa itaas ang mga gamit!

Sana nakatulong ako,

~Manong Anonymouse

P.S.: Kapag baha, malamang gutom ang mga tao. Magbenta ka rin ng kakanin at chichirya.

P.S.S. Kung magbebenta ka ng FISH BALL, kontratahin mo ako at may masarap akong sarsa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home